Ngayon, mas dapat nating hilingin
Ang kaligtasan ng buong bansa.
Na wala nawang mapapahamak
Wala nawang mawawalan ng bahay
Wala nawang mawawalan ng buhay.
Ngayon, mas dapat nating hilingin
Ang kinabukasan ng mga bata.
Paano na sila kung patuloy silang lalakad sa ulan-likas na pamumuhay?
Paano na sila kung sa kanilang pag-uwi ay puro nagkalat na basura ang kanilang daratnan?
Paano na silang walang magalugad na ligtas na lugar tuwing may bagyo o habagat?
Ngayon, mas dapat nating hilingin
Ang pag-unlad at pagbabago ng ating bayan.
Na mabawasan ang ating maya’t mayang paghiling na iligtas tayo ng Diyos sa hagupit ng malalakas ang ulan
Na magkaroon ng solusyon ang hindi lang taon-taong suliraning bumabagabag sa lahat
Na sa susunod na mangyari ito, wala nang kakabahang Pinoy – ang mayroon nalang – sumasampalatayang mga Kristiano.
Ngayon, mas dapat nating hilingin
Na makita nating muli ang paglatag sa kalangitan ng pangako ng Panginoon
Na masaksihan nating muli ang ganda ng isang bahaghari
Na magpapaalala sa ating ng isang tipan:
“na inilagda ko sa Akin at sa inyo, at sa bawa’t kinapal na may buhay sa lahat ng laman;
at ang tubig ay hindi na magiging bahang lilipol ng lahat ng laman”
Alalahanin mo Panginoon ang pangako mong ito
Sa aming lahat na naghihintay.
Sa aming lahat na nananampalataya.
Amen.

Mas dapat tayong kumapit at humiling. Pero hindi rin dapat malimutan kung gaano tayo kaswerte, mapasalamat sa mga blessings na ibinibigay sa atin. At matutuhan nating tumulong sa iba at manalangin para sa mga apektado.