Isang daan at walumpu’t limang oras na ang nakakaraan mula nung nakilala ko si Jmoore – isang batang lalaki na masayahin, magalawgaw, at di mapakali. Pero katulad din ng ibang bata na kapag tinutukan mo ng camera – nahihiya. Sobrang saya ko nung sa wakas, pinayagan nya akong balik-balikan ang kanyang gintong ngiti. Ginusto ko siyang buhatin pero hindi ko magawa, baka kasi matakot siya sa akin. Tinatawag ko kasi siya, pero ayaw niyang lumapit.
“Sino ka ba? Isa ka na naman ba sa mga taong kakarga-kargahin ako tapos magpapakuha ng litrato? Iiwan mo rin naman ako pagkatapos ng limang oras di ba? Palibhasa, wala kang sakit katulad ko. Wag mo akong tingnan ng ganyan. Wag mo akong kaawaan.”
Yan ang iniisip kong baka sinisigaw ng puso ng lahat ng bata ng Child Haus sa Quezon City. Pero iba ang galaw nila, iba ang mga ngiti nila, iba ang excitement nila sa mga iniisip ko. Hindi katulad ng marami, hindi sila makikitaan ng kawalang pag-asa. Ramdam na ramdam ko ang halaga para sa kanila ng mga taong dumadalaw sa kanilang shelter.
Sa Child Haus pansamantalang tumitira ang mga batang may kanser o iba pang malalang karamdaman (kasama ang kanilang mga magulang o taga-patnubay) habang sila ay nagpapagamot sa Maynila. Dito ay libre silang nakakakain at natutulungan ang mga magulang na magkaroon ng kabuhayan habang malayo sila sa kanilang mga probinsya.
“Ang ganda-ganda mo po ate.”
Gusto kong maiyak nung narinig ko ito hindi dahil alam kong nagbibiro lang siya o talaga masaya lang siya pero dahil alam kong gusto niyang isipin ko na maganda ako. Gusto niyang sabihin na “Ate, alam mo, ang ganda-ganda mo kasi pinapasaya mo kami. Lagi kang maganda kasi mahaba pa po ang buhay mo at wala kang sakit. Ate ang ganda-ganda mo po kasi hindi ka nandidiri sa amin, binubuhat mo kami kahit saglit saka niyayakap at hinahalikan mo kami.”
Hindi ko alam kung kailan ako makakabalik sa lugar na ito dahil sobrang layo nito sa Laguna pero may ilang bagay na siguradong-sigurado ako:
- Sigurado ako na walang pusong bato na bato pa rin paglabas ng Child Haus.
- Sigurado ako na hindi nasayang ang sandaling pagod sa byahe, sa pagbubuhat ng donations, at mga pawis habang nakikipaglaro sa mga bata.
- Sigurado ako na gagaling ang mga batang iyon at tatagal pa sila dito sa mundo para magpangiti pa ng maraming marami.
- Sigurado ako na may ilang makakabasa nito ang gugustuhing makilala ang mga bata sa Child Haus.
- Sigurado ako na hinding hindi ko sila makakalimutan.
Hanggang ngayon, masaya pa rin ako tuwing naaalala ko na hindi sila nag-pity-party. Masaya sila dahil may pag-asa pa. Masaya sila dahil buhay pa sila.
Sana tayo rin ay laging masaya - smile lang ng smile and let us allow the Joy of Lord be our strength.
Para sa mga kinanta ng mga bata:




Si Jimoore, Diane at Jefferson. Marami pang iba. Ang mga ngiti nila’y walang kawangis. Dalisay at nagpapagaling.