
Alam mo yung pakiramdam na medyo matagal mo itong hinintay kasi ang tagal-tagal ninyong hindi nagkita, nagkwentuhan at nagngitian. Yung tipong, habang nasa sasakyan ka papunta sa inyong “meeting place” trenta minutos bago ang itinakdang oras ng pagtatagpo ay bumabalik sa’yo ang ilan sa mga alaala —-
…mga alaala noong kinse anyos ka pa lang, nung sinabi niyo na, “uy, Praise the Lord”, pray tayo. Mga alaala ng hindi mapigilang telebababad, kitikitext at pagpapaalam nyo sa inyong magulang para sa mag-oovernight, at marami pang iba.
Nung nagkita na kayo, ang saya-saya sa pakiramdam.
Nakakatuwa, medyo nagkakahiyaan — hindi alam kung paano magkakamustahan.
Kumain, nagkwentuhan na tulad ng dati, dahil ang laki ng grupo, kanya-kanya.
Nagkape, kung dating kapos sa pambili ng kapeng pangmayaman, ngayon sama-sama ng umiinom nito habang nilalasap ang huling mga minutong magkakasama.
Nagbar, para makapagbonding sa gitna ng amoy ng nagsusumiksik na usok ng yosi sa damit, para magpakabingi sa lakas ng tugtog ng bandang hindi mo alam kung sino ang pinupuri, at para magkwentuhan sa lugar na kinapos ng liwanag.
“Nakikisama ako.”
Hindi ako nakikisama. Gusto ko silang kasama, pero baka nga, hindi doon.
Pagpasok ko sa loob ng bar/club/padi’spoint/inuman area/session hall/dikoalamtawagdonmen!, hindi ko alam kung ano mararamdaman ko.
Ayokong umuwi kasi gusto ko sila kasama.
Gusto ko nang umuwi kasi ayoko ng lugar.
Lugar na hindi ko maintindihan kung bakit madilim, bakit ang usok, bakit ang daming nagyoyosi, bakit ang daming alak, bakit ang lakas ng tugtog, bakit may bokalistang walang alam sabihin kundi, “sino naghahanap ng syota dito? sino naghahanap ng kasex? sino ang single?” Lugar na hindi ko maintindihan bakit nakakatagal ang marami doon. Hindi ko alam.
Pakiramdam ko, nasa gitna ako ng MALI. Tapos nilalanguyan ko lang ang pagkakamaling iyon nang nakapiring. Nagbubulag-bulagan sa mga nakikita, nagbibingibingihan sa mga naririnig. Pero ung puso ko, nanginginig na sa hiya. Nahihiya ako kay Lord, grabe, prinsesa ako — anak ako ng hari ng mga hari, tapos nasaan ako? Nasa loob ng lugar na hindi ko nga alam kung ano ang tawaag.
Anong klase.
Tapos sino kasama ko? Yung mga kaibigan ko na kasabay kong sumisigaw ng “Praise The Lord”! sa kalsada, sampung taon na ang nakakalipas. Nagbago ba ako? Nagbago ba sila? Nagbago kaming lahat?
Hindi ko na matiis.
Hindi ako makahinga.
Hindi ako umorder ng kahit ano.
Hindi ngumiti sa kahit na sino.
Ika-31 ng Mayo, ala una ng madaling araw:
Ako ang unang nang-iwan sa mga kaibigan kong ang tagal-tagal kong ginustong makasama, ng matagal – ng sobrang tagal.
Ako ang unang nagyaya umuwi.
Ako ang unang tumapak palayo sa lugar ng ‘maaaring’ huli naming pagkikita – limang taon pa siguro ang kasunod.
Umalis ako para bumalik sa tunay na ako —-
Umalis para bumalik sa tunay na binagong ako –
Isang guro
Isang worshipper
Isang cell leader
Isang Christian
Isang minsang nagsabi ng, “I’ve made up my mind, NO COMPROMISE.”
Naalala ko lang yung unang verse na possible natutunan namin nang magkakasama:
“Don’t let anyone look down on you because you are young, but set an example for the believers in speech, in conduct, in love, in faith and in purity.”
1 Timothy 4:12
amen to that!