Masaya sa bayan ng Akbuop. Lahat ay ngumingiti, tumatawa, humahalakhak at humahagikhik. Palaging may naglalaro ng patintero at tumbang preso sa mga kanto at palaging may nagpapatawa sa bawat sulok nito. Ayon sa mga tala, wala pang namamatay na malungkot sa lugar na ito.
Sa bawat pagtitipon, nakangiti at nagkakatuwaan ang mga nagsisidalo. Puno ng makukulay na baderitas ang paligid. Mayroon ding banda na tumutugtog ng malalakas at masasayang awitin. Napakaraming pagkain ang inihahanda upang pagsaluhan.
Sa tuwing may pagtitipon rin ay naghahanda ng mga paligsahan si Datu Merel. May palakasan tumawa, patagalang nakangiti, pabilisan humagikhik at ang pinakasikat – ang palakihan ng bibig. Mayroon ding balagtasan ng pagpapatawa at palakasan ng kiliti.
Isa lang ang bawal sa Akbuop: Ang hindi maging masaya.
Lumipas ang mga taon at nanatiling masaya sa bayan ng Akbuop. Ngunit isang araw, napabalitang namatay na si Datu Merel dahil sa labis nyang pagtawa.
“Nakita ko si Datu Merel na nakangiting sinusundan ang isang halimaw na maraming suot-suot na perlas. Alam kong huhulihin niya ito at dahil gusto ko makakita ng aksyon ay sinundan ko siya. Nakakatakot talaga ang itsura ng halimaw – kulot ang buhok, malaki ang tiyan at makapal ang mga labi. Ang kakaiba sa kanya, nakasuot siya ng bulaklaking damit at malalaking perlas. Patuloy itong sinundan ni Datu Merel hanggang sa makarating sila sa bahay ng halimaw. Nang makita niya itong hindi magkasya sa banga na tinitirhan nito, nagsimula siyang tumawa. Mas lumakas pa ang kanyang paghalakhak nang makita niyang nalulunok na ng halimaw ang mga perlas sa sobrang sikip ng banga. Tumigil na lamang ang datu sa pagtawa ng mawalan na ito ng hininga at mamatay.”
Tulad ng inaasahan, hindi nalungkot ang mga taumbayan sa biglaang pagkamatay ng kanilang pinuno. Iniisip nila na masaya namang namatay si Datu Merel at magiging mas masaya naman siya sa kanyang patutunguhan. Subalit, may isang mahalagang katanungan ang nabuo sa isip ng mga naninirahan sa Akbuop – sino na ang kanilang susunod na pinuno?
Si Nohib ang kaisa-isang anak ni Datu Merel. Medyo payat, matangkad, maputi at guwapo. Mapuputi ang kanyang mga ngipin at mabango ang kanyang hininga. Pero may isang bagay na hindi kayang gawin ni Nohib – ang magdesisyon ng mabilis at tama. Madali rin siyang paniwalain ng mga kwento-kwento’t haka-haka. Ngunit sa kabila nito, siya pa rin ang iniluklok ng masasayahing tao ng Akbuop bilang kanilang pinuno. Kinuha naman ni Nohib si Ikim bilang kanyang personal na tagapayo.
Si Ikim ay mula naman sa bayan ng Talimas. Sinasabing mula siya sa angkan ni Datu Ruka-ruka, ang pinakamalupit na kontrabida sa balat ng lupa. Nanirahan siya sa Akbuop sa matagal na panahon at naging matalik na kaibigan niya si Datu Nohib. Matalino siya ngunit matipid ngumiti. Hindi rin siya palalabas ng bahay kaya naging madilaw ang kanyang kutis. Wala masyadong nakakikilala sa kanya kaya siya ay may katabaan dahil kulang siya sa mga larong pisikal.
Ang unang taon ng pamumuno ni Datu Nohib ay naging mainam sa lahat. Tulad ng kanyang ama, naghahanda din siya ng mga paligsahan tuwing may pagtitipon at nagbibigay din siya ng malalaking gantimpala sa mga nagwawagi (pero hindi kasing laki ng mga ibinibigay ng yumaong si Datu Merel). Gayunpaman, nananitili pa ring masayahin ang mga taga-bayan ng Akbuop.
Isang araw may mga dumating na dayo sa Akbuop. Mula sila sa Darips – ang bayang tinuruan noon ni Datu Merel maging masayahin. Makinang ang kanilang mga mata tuwing sila’y ngumingiti. Kasundo nila ang lahat ng mamamayan ng Akbuop maliban sa isa – si Ikim.
Di nagtagal ay lumisan na ang mga Daripsyan sa Akbuop. Iniwan nila si Isras, ang pinakamasiyahin sa kanilang grupo. Siya ang may pinakamabuting puso, pinakamahabaging kalooban at ang may pinakamatamis na ngiti sa balat ng lupa. May lahi siyang boyoyong-an kaya’t malupit siyang humalakhak at mahusay rin magpatawa.
Minsan ay naisipan ni Isras na lumikha ng lathalaing pangkatatawanan. Dito isusulat ang mga pinakanakakatawang mga kuwento, biro at tula. Naibigan ito ng mga taga-Akbuop at napuno ng tawanan ang buong bayan.
Isang araw, naglalakad-lakad sa bayan sina Datu Nohib at Ikim. Sa kanilang pamamasyal at nakasalubong sila ng mga taong saksakan sa lakas ang pagtawa. Agad nilang tinanong ang mga ito kung ano ang nagpapasaya sa kanila. Itinuro naman ng mga iyon ang kanilang hawak na babasahin.
Agad na kumuha ng dalawang kopya si Datu Nohib at pinabasa ang isa sa tagapayo niyang si Ikim. Humagalpak sa kakatawa ang datu subalit ang tagapayo ay biglang sumimangot at nagalit.
Nagtinginan ang lahat. Tumigil ang mundo sa Akbuop. Lahat ay nakatingin kay Ikim.
Pinagalitan ni Datu Nohib si Ikim at inutusan itong sabihin ang dahilan ng kanyang kapalastanganan at ang pagsuway sa kautusang maging masaya. Hindi sumagot si Ikim ngunit hinihinala niya na silang dalawa ng datu ang pinagtatawanan ng taumbayan. Pagkatapos pagalitan ay ngumiti ng bahagya si Ikim subalit kimkim nito ang sama ng loob. Ang kanyang pagkabalat-sibuyas at kasamaan ng pag-iisip ang nagtulak sa kanya papunta sa tahanan ni Isras, ang Daripsyan na lumikha ng nakatutuwang babasahin.
Ipinagpilitan ni Ikim kay Isras na siya ang nasa kuwento ng pahayagan subalit mariin itong itinanggi ng Daripsyan. Galit na galit si Ikim. Pinigil niya ang pagpapalabas ng mga nakatutuwang lathalan at ipinasunog niya ang mga natitirang babasahin.
Sinulsulan ng sinulsulan ng naging kontrabidang si Ikim si Datu Nohib hanggang sa magbago na ng tuluyan ang pananaw nito tungkol sa kasiyahan. Nagsimulang kumunot ang kanyang noo at magsalubong ang kanyang mga kilay. Ang kanyang malapayasong mukha ay napaltan ng mala-tigreng itsura. Nabago ni Ikim ang pagkatao ni Datu Nohib. Tunay ngang mula siya sa angkan ni Datu Ruka-ruka, ang pinakamalupit na kontrabida sa balat ng lupa.
At naganap nga – ang pinakahindi inaasahan ng lahat ng mga taga-Akbuop; ang pinakaayaw maganap ng yumaong si Datu Merel; ang pinakamalagim sa lahat ng malalagim na pangyayari sa buong mundo — pinagbawal na ang maging masaya at matuwa sa bayan ng Akbuop.
Nalungkot ang lahat, kahit ang mga daga, ipis at aso. Ang mga puno, bato, ilog, kabayo, uranggutan at tikbalang ay naghihinagpis. Nawalan ng kulay ang buhay ng bawat isang nakatira sa Akbuop. Nawalan ng gana ang lahat, naging kalunus-lunos ang mga kalsada, kanto at sulok ng bayan.
Dumating muli ang isang pagtitipon. Wala ng pagdiriwang, wala na ang makukulay na banderitas. Wala na ang mga bandang tumutugtog ng masasayang awitin. Wala na ang mga paligsahan. Wala na ang mga gantimpala.
Naibigan ni Ikim ang kanyang nasaksihan. Ang mga gantimpala na para sa mga paligsahan ay sa kanya na lamang ibinigay ni Datu Nohib upang paunlarin ang kanyang kabuhayan. Nakapagpatayo na ng palasyo sa bayan at pinagbawalan ang mga mamamayan ng Akbuop na pumasok dito. Ipinakulong din niya ang lahat ng masaya sa kanilang bayan.
Nabalitaan ng mga taga-Darips kay Isras ang nangyari. Nag-isip sila ng hakbang upang maibalik ang saya at sigla sa bayan ng mga ngiti.
Isang araw, napagpasiyahan nilang maglabas ng nakatatawang babasahin nang palihim. Kiniliti nila ang mga nalulungkot at nag-aya silang maglaro. Nagkabit sila ng makukulay na banderitas at nagsagawa ng mga paligsahan. Pinatugtog nila ang mga musikero ng masasayang awitin. Nagdiwang sila kahit walang dahilan. Ang tanging nais lamang nila ay maging masaya na muli ang bayan ng Akbuop.
Naging masaya ang lahat. Nanumbalik ang matatamis nilang mga ngiti. Nagningningan ang kanilang mga mata at napuno ng tawanan, halakhakan at hagikhikan ang buong bayan.
Narinig ni Datu Nohib at Ikim ang mga hiyaw sa galak ng mga mamamayan. Nagalit sila at lalong sumimangot. Kumunot lalo ang kanilang mga noo at kaagad silang sumugod sa bayan.
Nagkagulo ang lahat nang dumating ang mga basagulerong kontrabida. Ipinahuli nila ang lahat ng nagkakasiyahan at ipinakulong lahat ng nagtatawanan.
Ipapugot nila ang ulo ni Isras at ng mga tumulong sa kanyang mga taga-Darips dahil sa masayang rebelyon nila at paghihimagsik laban sa malungkot na pamumuno ni Datu Nohib. Ngunit nang gagawin na nila ang pagpugot ng mga ulo ng mga masasayahing bida, bigla na lamang lumiwanag.
“Hahaha. Ano ang tawag sa patimpalak na iyan Nohib, aking anak? Maaari ba akong sumali?” Dumating si Datu Merel kasama si Bathala. Laking gulat nina Datu Nohib at Ikim nang makita nila ang dalawa. Kinabahan nila. Natakot. Nangamba. Ninais nilang tumakas subalit nanigas ang kanilang mga binti. Nanginig sila’t napaihi pa sa takot.
“Pwahahahaha!” sabay ang pagtawa nila Datu Merel at Bathala kasabay ang pagliwanag pang muli ng matindi ng buong paligid. Tumawa sila ng saksakan sa lakas kaya’t sumaya ang buong paligid na natuwa ang buong bayan.
Pagkatapos ay bigla na lamang naglaho sina Datu Merel, Bathala at ang nakasisilaw na liwanag. Nagulat ang lahat dahil nawala rin ang mga kontrabidang sina Datu Nohib at Ikim. Subalit mayroong naiwang sa kanilang mga kinatatayuan – isang bungkos ng makakapal at madidilaw na hibla na parang lubid, at isang bungkos ng maninipis at puting hiblang parang sinulid. Napangiti ang lahat sa kanilang nakita.
Iniluklok nila si Isras bilang kanilang bagong datu. Nagkaroon muli ng paligsahan at mga gantimpala. Naghanda ng maraming pagkain at hindi mawawala roon ang mga bungkos na iniwan nila Datu Merel at Bathala kasabay ang paglaho ng mga kontrabida. Tinawag nila itong Bihon (binaligtad na Nohib) at Miki (binaligtad na Ikim) ang mga pagkaing iyon.
Mula noon, tuwing may kasiyahan sa bayan ng Akbuop at sa mga lugar na malapit dito, maging sa mga nagdiriwang sa kahit saang lugar, patuloy nilang inaalala ang pagliligtas sa kanila ni Datu Merel at Bathala sa pamamagitan ng paghahanda ng pancit na kung tawagin ay Bihon at Miki.
Patuloy na naging masaya sa bayan ng Akbuop. Lahat ay patuloy ngumingiti, tumatawa, humahalakhak at humahagikhik.
——-
Ito ay kalahok para sa patimpalak sa pagsulat ng maikling kwentong pambata na huhubog sa pagpapahalagang Pilipino gaya ng paggalang, malasakit, pagpapahalaga sa pamilya at paglingap sa nakatatanda na hatid ng saranggolablogawards at sa pakikipagtulungan ng dmcihomes at alta vista de boracay.






kulet naman nung halimaw..sa tignin ko gaysha un eh
)
kulet naman nung kwento.. LIKE LIKE. gusto ko makita si nohib kung gwapo talaga! haha.
yi gwapo un wahahaha parang ikaw
namiss ko magbasa nito.. galing! keep it up po.
napapanahon.
panahon na naman.
solb. ayos ang pagkakagawa.. hehe
alamat ng miki bihon pala ito..
naku opo
) salamat sa kumento
)
hahaha
magaling mgaling magaling..nakakatuwa ung mga paligsahan…palakihan ng bibig.. ..hahaha nice one po ms.zy
.,para humaba ang buhay ntin heheheh.,
)